-- Advertisements --

CEBU CITY – Patuloy ang puspusang paghahanda ng Pinoy boxing champion na si John Riel Casimero sa kanyang paparating na laban kay Naoya Inoue ng Japan.

Ito’y kahit na una nang na-postpone ang laban na gaganapin sana ngayong Abril 25 sa Las Vegas dahil sa lumalalang banta ng COVID-19 pandemic.

Gusto sanang umuwi ng boksingero, na tubong Ormoc City, sa Pilipinas ngunit pinayuhan ito ng kanyang promoter na si Sen. Manny Pacquiao na ituloy muna ang training.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Casimero, sinabi nito na pinayuhan din sya ni Pacman na manalig sa Panginoon.

Dagdag pa ng tinaguriang “Quadro Alas” na kino-kondisyon pa ang kanyang katawan habang hinihintay pa nito ang bagong schedule ng laban kay Inoue.

Ayon din sa trainer ni Casimero na si Nonoy Neri na hinay-hinay muna sila sa pag-eensayo upang hindi ma-burnout ang pambato.

Hiling ngayon ni Neri sa mga Pilipino ang patuloy na suporta kay Casimero sa kabila ng nararanasang banta ng COVID-19 pandemic.