-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Sabik ng makauwi ng Pilipinas ang buong Team ni Pinoy boxer Marlon Tapales kasunod ang matagumpay nitong laban sa Uzbekistan boxer na si Murodjon Akhmadaliev.

Dahil sa panalo ay naging unified super bantamweight champion na si Tapales sa laban na ginanap sa Boeing Center sa San Antonio, Texas.

Nakuha ni Tapales ang WBA (Super) at IBF belts sa pamamagitan ng split decision.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan, kaagad na pinasalamatan ng 31-anyos na si Tapales ang lahat ng sumuporta at nanalangin sa kanya lalong-lalo na ang mga Filipino.

Nagbunga umano ng maganda ang mahaba niyang training kasama si Coach Ernel Fontanilla na taga Malapatan Sarangani at ng iba pang kasamahan sa team.

Ayon kay Tapales na mahusay si Akhmadaliev subalit kayang-kaya naman nito ang malakas na mga suntok ng kalaban.

Aniya, sa 1st round pa lamang ng laban ay natantya na niya ang boxing style ni Akhmadaliev kayat nakagawa kaagad ito ng mga diskarte sa sumunod na mga round upang talunin ito.

Ang 31-anyos na si Tapales ay siyang pangalawang Filipino boxing world champion na sumusunod kay Melvin Jerusalem na nakuha ang WBO minimumweight belt noong nakaraang tatlong buwan sa Japan.