-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Handang-handa na ang Pinoy boxer na si Mike ‘Magic’ Plania para sa kanyang laban kontra sa American Mexican boxer na si Angelo Leo bukas, Enero 31, 2024 na gaganapin sa Plant City, Florida.

Ayon kay Boxing Coach Nonito Donaire Sr., maraming sparring session ang kanilang naisagawa mula pa sa Sanman boxing gym sa Gensan maging sa kanilang pagdating sa Amerika nakaraang linggo.

Una rito nagkaroon din ng tune-up fight si Plania sa Manila kung saan mabilis niyang tinalo ang Pinoy boxer na si Daniel Nicholas sa pamamagitan ng knockout.

Sa kanyang pahayag, kahit mahigpit ang pagsasanay ni Plania para sa engkuwentro na ito, hindi siya dapat maging kumpiyansa dahil magaling din ang kanyang kalaban.

Gayunpaman, naniniwala si Boxing Coach Nonito Sr. na determinado si Plania na manalo.

Si Plania, 26, ay may boxing record na 29 na panalo at tatlong talo habang si Leo, 29, ay may hawak na record na 22 panalo kung saan sampu ay knockouts at isa ang talo.