Nasungkit ng Pinoy boxer na si Joepher Montaño ang kanyang ikatlong belt matapos nitong talunin sa pamamagitan ng majority decision ang Chinese boxer na si Baishanbo Nasiyiwula sa kanilang laban sa Fight Club Championship 3 na ginanap sa Dubai. Tinanghal ito bilang WBA Asia Welterweight champion.
Sa naging pahayag sa Star FM Baguio ng Pinoy boxer, ibinahagi nito ang kagalakan sa panibagong karangalan na kanyang nakuha at sinabi din nito kung ano ang sunod na paghahandaan ng kanilang team matapos ang tagumpay sa UAE.
“Kahit anong belt, WBO, IBF, WBC, WBF, puro naman iyan mga sikat na belt. Maganda ring makalaban sa international para madali ng makalaban sa world champion. Ang pangarap ng lahat ng boksingero ay maabot ang pinakamataas na belt at iyon ang world champion. Iyon din ang nasa-isip ko kaya nag-training ako ng maayos para maabot ko din ang mga pangarap ko na makalaban ng world champion.”
Dahil sa matagumpay na laban ni Montaño, meron na itong 14 na panalo, 5 talo at 2 draw sa kanyang professional boxing career.
Sa kasalukuyan, tatlo na ang championship belt ang hawak ni Montaño, kabilang na dyan ang WBA Asia Welterweight, Asian Boxing Federation Super Lightweight at ang WBO Oriental Welterweight belt.