Nagpakita ng impresibong laban ang Pinoy boxer na si Juanito “El Kapitan “Paredes matapos nitong pataobin ang Indian boxer na si Ar Jun sa unang round ng kanilang laban sa 2023 International Pro Boxing Championship na ginanap sa India. Tinanghal ito bilang Himalayan King at nakuha ang Super Lightweight Championship belt.
Agresibo ang Indian boxer sa unang bahagi ng laban, gayunpaman ng tamaan ito ng solid punch ay natamo nito ang kanyang unang knockdown kung saan ito ay halatang nahilo at dito na hindi pinakawalan ni Paredes ang kalaban at pinaulanan na ng mga suntok hanggang sa muling matumba at tuluyan ng inihinto ng referee ang laban.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Pinoy boxer na tubong Iloilo City, inamin nito na hindi nito inasahan at ikinagulat ang mabilisang laban kung saan ay ilang segundo lamang ang lumipas ay tapos na ang laban. Ginawa lang umano nito ang kanilang game plan at puspusan ang training.
Sinabi din nito kung gaano kahalaga sa kanya ang pagkakapanalo dahil ito umano ang kanyang naging motibasyon sa kanyang career dahil bago ito ay nakalasap ito ng dalawang magkasunod na pagkatalo.
“Nag-training po talaga ako ng maganda dito sa Korea. Ginawa ko po ang lahat ng makakaya ko. Sa umaga, nagtuturo ako. Sa tanghali nagte-training ako ng sarili ko. Sa gabi, turo ulit tapos jogging ulit sa kinaumagahan. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga sumusuporta sa amin at sa lahat ng mga Pinoy boxers. Maraming salamat po. Sana huwag kayong magsawang sumuporta sa amin.”
Ang 2023 International Pro Boxing Championship ay ang unang international competition na ginanap sa bansa kung saan ay sinalihan ito ng mga magagaling na boksingero mula sa anim na mga iba’t ibang bansa.