Tinanghal bilang bagong World Boxing Council Asian Silver Featherweight Champion ang Pinoy boxer na si Michael Dasmariñas matapos nitong pataubin sa 4th round ang Indonesian boxer na si Patrick Liukhoto sa kanilang naging laban sa Buruntulan 2023 na ginanap sa Fuerte Complex, Camarines Sur. Hininto ng referee ang fight sa kalagitnaan ng 4th round kung saan pinaulanan ni Dasmariñas ng suntok sa katawan ang kanyang kalaban dahilan upang ito ay bumagsak at hindi na nakatayo.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Pinoy boxer na tubong Camarines Sur, sinabi nito na malaking tulong ang training camp na ginawa niya sa Estados Unidos sa Top Rank boxing Gym kung saan naka-sparring niya ang mga foreign boxers na tumu-long para mas maging malakas at handa siya sa kanyang naging laban.
Inamin din nito na malaking motibasyon ang suporta na kanyang nakuha sa kanyang mga kababayan sa kanyang hometown kung saan ginanap ang laban. Aminado rin ito na malakas ang Indonesian boxer na kanyang nakalaban, ngunit sadyang mas naunahan niya lang ito dahil sa kanilang magandang game plan.
“Ang game plan ko talaga from rounds 1 to 4 ay attack sa body talaga ako, kumbaga, habang tumatagal bumabagal na po siya. Nakapatama ako ng left hook sa mukha and then na-follow-up ko sa katawan at doon na siya bumigay agad. Sa lahat po ng aking mga kababayan na patuloy na sumusuporta sa akin, sobra akong nagpapasalamat sa mga prayers niyo at sana huwag kayong magsawa, no matter what happens, win or lose, support lang po tayo hindi lang po sa akin, pati na rin po sa iba pa nating mga kababayan na lumalaban abroad.”
Matagumpay ang tatlong nakaraang laban ni Dasmariñas kung saan tinalo nito ang mga boksingerong sina Danny Tampipi at Ryan Rey Ponteras.
Sa kasalukuyan, si Dasmariñas ay may 33 na panalo, 3 talo at 2 draw sa kanyang pro-fessional boxing career.