-- Advertisements --

Hindi kinaya ng Pinoy boxer na si Jeo Santisima ang naging laban kanina kontra kay Joet Gonzalez sa ginanap na action-packed fight sa Fresno, California.

Ang featherweight contender na si Gonzalez ay nagwagi nang itigil ng referee ang laban sa 9th round sa scheduled 10-round bout sa pamamagitan ng technical knockout.

Si Gonzalez na tubong Glendora, California, ay gumanda pa ang record sa 25-2 nang iposte ang ika-15 knockout.

Habang si Santisima (21-4, 18 KOs) na nagmula sa Masbate City ay natalo sa ikalawang pagkakataon “inside the distance” sa loob ng walong taon bilang professional.

Sa eighth round pa lamang, mistulang brutal nang pinaulanan ni Gonzalez ng head and body shots ang Pinoy.

Dito na naalarma ang ringside physician upang tingnan si Santisima.

Pinagsabihan daw si Santisima na kung maging one-sided pa muli ang ninth round ay ititigil na ang laban.

Na siya namang nangyari, may 2:05 minutos ang nalalabi.