VIGAN CITY – Nagsimula na ngayon ang ilang araw na pahinga ng 10 Filipino boxers na sasabak sa qualifying rounds ng Tokyo 2020 Olympics na isasagawa sa Pebrero 4 hanggang Pebrero 20 sa China.
Ang national team na sasabak sa nasabing qualifying rounds ay binubuo ng pitong lalaki at tatlong babae base na rin sa kumpirmasyon ni Elmer Pamisa, isa sa mga coach ng national boxing team ng bansa sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Ngunit ayon kay Pamisa, hindi umano maaaring umalis sa Rizal Memorial Sports Complex ang mga Pinoy boxers upang mabantayan pa rin ang kanilang pagpapakondisyon.
Aniya, magtatagal ang New Year break sa training ng mga Pinoy boxers hanggang sa January 2 para makasama at makausap ang kanilang pamilya bago muling sumabak sa training at bago tumulak sa Thailand para sa mas maigting na pagsasanay.
Bagama’t malaki ang kaniyang tiwala sa kakayahan ng mga Pinoy boxers dahil sa kanilang ipinakitang performance sa nakalipas na Southeast Asian Games, hindi nito isinasantabi ang galing ng mga boksingerong galing sa ibang bansa na kanilang makakalaban sa qualifying rounds ng Tokyo Olympics.