Determinado ang Philippine national boxing team na makapag-ambag ng gintong medalya para sa nalalapit na kampanya ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ito’y kahit ilag ang mga boxing officials ng bansa na magbigay ng forecast sa kung ilang gintong medalya ang kanilang maibubulsa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Pinoy boxer Eumir Felix Marcial, tiwala ito sa kakayahan niya at ng kanyang mga kapwa boksingero na makapagbigay ng karangalan para sa bansa.
Inamin naman ni Marcial na ayaw niyang magpakampante na maibubulsa niya ang kanyang ikatlong gintong medalya sa biennial meet.
Paliwanag ng Zamboanga City native, marami raw kasing mga factors ang kailangang ikonsidera at lahat raw ay puwedeng mangyari sa mismong araw ng laban.
“Kahit sabihin na gold medalist ka sa Olympics, [lahat puwedeng mangyari] kasi lahat ng mga boksingero, nag-eensayo. Ginagawa nila ang best nila para makuha din ang gold,” wika ni Marcial.
“Sa amin na lang, gagawin namin ang [lahat]. Alam ko sa mga kasamahan ko, nandito sa puso namin na gusto namin makuha ang gold kaya gagawin namin ‘yung best.”
Noong 2017 SEA Games sa Malaysia ay kumalap ng dalawang gintong medalya ang Pilipinas sa larangan ng boxing, maliban pa sa isang silver at dalawang bronze medals.
Una rito, bagama’t sinabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Secretary-General Ed Picson na ayaw niyang magbigay ng kanyang forecast, kumpiyansa naman daw ito sa tsansa ng kanilang tropa sa SEA Games.
“I don’t do medal projections as there are too many variables that we have to consider,” ani Picson. “But I can say that our boxers are in excellent shape.”