Gumawa ng kasaysayan ang Pinoy boy group na SB19 matapos silang makapasok sa Top 10 ng Billboard Top 50 Social Artists of 2020.
Ang grupo na nasa pang-anim na pwesto, ang kauna-unahang Filipino at Southeast Asian act na napabilang sa nasabing year-end chart, kasunod ng mga bigating K-Pop groups na BTS, EXO, NCT 127, Seventeen at ng pop superstar na si Ariana Grande.
Sa una ng naging pahayag ng SB19 sa Star FM Baguio, inamin ng mga ito na marami pa silang nais matupad at maabot sa kanilang career, katulad na lang ng pagpapakilala ng Pinoy Pop o ‘P-Pop’ sa buong mundo, pero ngayon pa lang ay thankful na sila sa lahat ng blessings at mga parangal na kanilang natatanggap, at alay nila ang kanilang tagumpay sa kanilang pamilya at mga fans.
“Meron po talaga kaming top goal. Ang goal po ng grupo namin, hindi lang para sa grupo namin, kundi para sa buong Philippines din. Gusto po talaga naming ma-establish yung P-Pop dito po sa Philippines, and hopefully, ma-promote po yung talent ng lahat ng Filipinos all over the world, na talagang ipakita sa buong mundo na kayang-kaya po nating makipagsabayan kahit kanino,” pagbabahagi ng miyembro na si Sejun.
Sa kanilang Facebook post ay nagpasalamat rin ang grupo sa Billboard at sa mga fans sa itinuturing nilang “unimaginable plot twist” na dumating sa kanilang career.
Ang SB19 nga ang first and only Filipino group na nakapasok sa Social 50 Chart ng Billboard. Kilala ang grupo sa kanilang mga awiting “Alab” at “Hanggang sa Huli” na pareho ring nakapasok sa Billboard charts.