Gumawa ng kasaysayan ang Pinoy Chef na si Jonathan Supsupin matapos nitong makuha ang Medallion of Excellence sa ginanap na 2022 WorldSkills Competition Special Edition Cooking Category sa Switzerland. Ito ang unang pagkakataon na nakapag-uwi ng pagkilala ang isang Pinoy sa nasabing kategorya ng kompetisyon.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Supsupin, ibinahagi nito ang kanilang susi sa parangal na natanggap at sinabi din nito kung ano ang kahalagahan ng pagkilala na kanyang nakuha para sa bansa.
“Hindi po talaga ako [marunong] mag-express [ng nararamdaman ko], pero masaya po ako dahil mayroon tayong naiuwi na medalya galing sa WorldSkills. Ang kagandahan dito sa WorldSkills competition, makaka-benchmark tayo sa ibang bansa. Tapos naaaral natin ang mga standard nila. Kaya dun na-uupdate ang mga standard dito sa Pilipinas. Pwede din natin ibahagi at mai-apply”.
Ang WorldSkills Special Edition ay may kabuuang 62 na mga skill competitions na gaganapin sa loob ng 12 linggo sa 15 bansa at rehiyon. Nagsimula ang kompetisyon noong September 7 hanggang sa Nobyembre 22.
Ang nasabing kompetisyon ay ang pumalit sa sa WorldSkills Shanghai 2022 na gaganapin sana noong Mayo ng kasalukuyang taon pero hindi natuloy dahil sa COVID-19 pandemic.