CAUAYAN CITY – Isang Pinoy chef ang nagtrabaho na bilang construction worker matapos na magsara ang pinapasukang restaurant dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rolan Manalastas Dizon, isang chef sa Croatia, sinabi niya na nang magsara ang kanyang pinapasukan ay nagtrabaho siya bilang construction worker ng isang buwan.
Aniya, hindi lamang siya ang nakaranas nito dahil nagtrabaho rin bilang construction worker ang kanyang mga kasamahan na Pinoy.
Mahirap man aniya dahil sumabay pa ang snow subalit kailangan nilang magtiis upang hindi sila mawalan ng kita.
Ayon kay Dizon, sa isang buwan na pagiging construction worker ay kumita siya ng nasa P40,000.
Sinabi pa niya sa ngayon ay isang linggo na rin na walang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Zagreb, Croatia na kinaroroonan niya ngayon.
Masasabi niyang bumalik na sa normal ang nasabing bahagi ng Croatia dahil halos lahat ng mga restaurants at malls ay bukas na subalit ipinapatupad pa rin ang social distancing.
Dahil dito, sa susunod na linggo ay posibleng babalik na rin siya sa dati niyang pinapasukan.