KORONADAL CITY – Maswerteng walang nasawi o nasugatan sa nangyaring malakas na pagsabog ng mga armas sa bansang Jordan na nagdulot ng pangamba at takot sa mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Rena Lou Cabudayao, isang OFW sa Amman, Jordan at tubong Iloilo, nangyari umano ang insidente sa lungsod ng Zarqa kung saan sumabog ang mga bala ng artillery sa isang abandonadong lugar sa naturang siyudad.
Ang nasabing mga bala ay matagal nang na-dismantle at hindi ginagamit.
Ayon kay Cabudayao, hindi naman ganoong makapaminsala ang idinulot na malakas na pagsabog sa mga residente kung ikukumpara sa nangyaring pagsabog sa Beirut port sa Lebanon na ikinasawi ng halos 200 katao.
Tiniyak rin nito na ligtas ang mga kababayan nating Filipino sa kabila ng nangyaring pagsabog.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Jordanian authorities, sinasabing sumabog ang nasabing mga bala dahil sa init ng panahon at nagkaroon ng reaksyon sa mga kemikal doon.