Nakauwi na sa Pilipinas ang Junior New System matapos ang kanilang pagpapakitang gilas sa World’s Got Talent na ginanap sa China.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa miyembro ng grupo na si Christian Ian Santos, malaki ang pasasalamat nila at isa sila sa mga napiling maging contestant ng nasabing kompetisyon.
Aniya, sa lahat ng mga lumahok ay ang kanilang dance group lamang ang hindi grand finalists sa mga Got Talent franchises mula sa iba’t-ibang bansa pero natanggap pa rin sila para sa malaking contest.
Dagdag pa nito, dapat ay abangan ng mga fans ang kanilang pagbabalik sa “America’s Got Talent: The Champions” sa susunod na taon.
“Sa lahat po ng mga sumusuporta sa amin, sana ay hindi sila magsawa na suportahan kami sa mga sinasalihan naming international competition. Ipagpapatuloy po namin ang pag wave ng flag natin para i-represent ang Pilipinas, at magsilbi ding inspirasyon po namin sila na ipagpatuloy pa namin ang mga pangarap namin,” wika ni Santos.
Ang dance crew na unang nakilala sa Asia’s Got Talent (AGT) 2015 ay ang kauna-unahang all-Pinoy dance act na nakapasok sa semi-finals ng AGT noong nakaraang taon.
Nagmula ang mga miyembro ng grupo sa Sampaloc, Maynila, kung saan namumulot ang mga ito ng mga recyclables at nagbebenta ng kakanin para matustusan ang kanilang pag-aaral.
Trademark ng grupo ang pagsasayaw na gumagamit ng high heels.