LEGAZPI CITY – Naniniwala ang isang Pinoy engineer sa Ethiopia na malaking tulong ang paglikha ng mga medical suits at disinfectants upang maging epektibo ang paglaban sa coronavirus pandemic.
Katuwang ang mga kapwa engineers, nagdisenyo at lumikha ang team ng mga personal protective equipment (PPEs), face shields, shoe covers, isolation gowns at disinfectants.
Ibinahagi ni Engr. Anjoe Jesalva, tubong Sorsogon at biochemical engineer sa Addis Ababa sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kritikal ang gamit ng oras sa medical field lalo na sa usapin ng virus kaya’t maiging pinag-aralan ang disenyo ng PPE.
Impermeable, fluid-resistant, easier doffing at full-protection umano ang alok ng PPEs na inumpisahan nang ipamahagi habang nasa 5, 000 na rin ang napaabutan ng face shields.
Ayon pa kay Jesalva, lumikha rin ng disinfectants na ipinamahagi sa mga simbahan at taxi terminals.
Sa ngayon, higit 100 na ang confirmed COVID-cases sa Ethiopia at walang Pilipino na naiulat na tinamaan ng sakit.