-- Advertisements --
Robert Vincent Tajora kabul

BACOLOD CITY – Laking pasasalamat ng mga engineers na Pinoy na nagtratrabaho sa Kabul, Afghanistan na nakasakay ang mga ito sa military plane ng Indonesia upang makauwi sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Robert Vincent Tajora, mechanical engineer na tubong Sogod, Southern Leyte, apat silang engineers at isang kennel master na maswerteng nakasakay sa military plane ng Indonesia kaninang umaga.

Kasama ng mga ito ang 30 ka Indonesian diplomats papuntang Jakarta.

Ayon kay Tajora, napakahirap ang kanilang dinaanan bago nakasakay sa Indonesian military plane.

Nitong Linggo aniya, nagising na lamang sila na wala na sa kanilang accommodation ang kanilang Afghan employers at hindi na bumalik.

Dahil dito, napilitan ang mga Pinoy engineers na makipag-ugnayan sa Indonesian Embassy upang humiling ng refuge at labis ang kanilang pasasalamat na hindi rin sila pinabayaan ng ASEAN country.

Kaninang madaling-araw, nakarating sina Tajora sa military airport ng Afghanistan sa Kabul kung saan naghihintay ang eroplano ng Indonesia.

kabul afghanista Pinoy engineers

Ayon sa Pinoy na higit dalawang taon nang nagtratrabaho sa Kabul, mahirap ang kanilang mga dinaanan dahil kinailangan nilang sumuot sa malaimbudong crowd dahil libu-libong local residents ang nasa labas ng paliparan at may mga warning shots pa ang mga Taliban upang mapakalma ang crowd.

Umaasa naman ang mga ito na magiging matiwasay ang kanilang flight mula Jakarta papuntang Maynila.