-- Advertisements --
pacquiao manny 2
Photo for Bombo Radyo from Precilyn Silvestre Melo in LA

BACOLOD CITY – Inamin ng ilang miyembro ng Team Pacquiao na may oras pa rin si Sen. Manny Pacquiao na pansinin ang mga Pinoy fans na nag-aabang sa kanyang training venue kahit abala ito sa paghahanda sa laban kay Keith Thurman sa July 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Rodel Mayol na isa ring trainer sa Wild Card Gym sa Los Angeles, maraming mga Pinoy ang naghihintay na matapos ang jogging ni Pacquiao sa Pan Pacific Park na kilalang pasyalan sa LA.

Kung walang sparring session ayon kay Mayol, ang Team Pacquiao ay nagdya-jogging sa bundok malapit sa Beverly Hills sa umaga at hapon.

Kung may sparring session naman aniya, sa open basketball court ng Pan Pacific Park ang warm-up bago tutuloy ang team sa Wild Card Gym na sinusundan ng sparring session sa hapon.

Sa loob ng halos dalawang linggo ayon sa WBC junior flyweight champion, ang routine jogging ng Pinoy boxing legend ay nagsisimula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng umaga at alas-2:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ayon kay Mayol, maraming mga Pinoy fans ang nag-aabang sa fighting senator kahit ito ay bantay-sarado at hinaharap din sila ni Pacquiao para sa photo opportunity at pa-autograph.