-- Advertisements --

Makakahilera ng Pilipinas ang 19 pang movie production sa iba’t ibang dako ng mundo sa idaraos na film festival sa Toronto, Canada.

Ito’y kasunod ng anunsyo sa official Twitter page ng Filipino film na “Kun Maupay Man it Panahon” (Whether The Weather Is Fine) na patungkol sa mag-ina sa gitna ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda (international name: Haiyan).

Bida rito ang beteranang aktres na si Charo Santos, young actor na si Daniel Padilla, at ang “newcomer” na si Rans Rifol.

Sa ilalim ng direksyon ni Carlo Francisco Manatad, partikular na ipapalabas ang nasabing pelikula sa Contemporary World Cinema selections.

“The North American Premiere of ‘Whether the Weather is Fine’ [by] Carlo Francisco Manatad follows three characters who must decide whether to stay home or escape to Manila after a devastating typhoon,” saad ng TIFF.

Gaganapin ang Toronto International Film Festival (TIFF) sa darating na September 9 hanggang 18 ngayong taon.

Kung maaalala, taong 2013 nang manalasa si “Yolanda” na itinuturing na isa sa pinaka-mapaminsala sa kasaysayan ng bansa matapos nag-iwan ng maraming patay.