Nominado ang mga Filipino films na likha ni Direk Jianlin Floresca sa iba’t-ibang professional category ng 12th International Festival Manhattan sa New York. Kabilang dito ang “Di Lahat ng Ina ay Babae”, at “Asan si Judith” sa kategoryang infomercial at ang “Minsan Mali Din ang Tadhana” sa kategoryang music video.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa direktor na tubong Cordillera, ikinatuwa nito na hindi lang isa kundi tatlo pa sa kanyang mga obra ang naging official selection na pumasok sa nasabing international festival.
“Right now, naging official selection na naman tayo. Tatlong likha natin [ang nominado sa IFFM] infomercial. Ibig sabihin, those are the commercials we make for corporate projects. Ang isa naman is a music video for short film. Wala ng doubt para ipagpatuloy namin itong ginagawa naming pag-hone ng mga Cordilleran talents at ang way of creation ng aming mga arts.”
Matatandaan na noong nakaraang taon, naging official selection din ang likha ni direk Jianlin kung saan itinanghal bilang Best Actor ang Filipino actor na si Jeyrick “The Carrotman” Sigmaton.
Ang taunang IFFM ay nagbibigay ng mga quality selection ng mga world-class films na ipinapalabas sa mga teatro sa Manhattan, New York City sa Estados Unidos.
Mapapanood ang mga pelikulang bahagi ng IFFM sa pamamagitan ng online streaming simula sa October 10-16, 2022.