Kinumpirma ni Department of Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana na binangga ng isang Chinese vessel ang Filipino fishing vessel sa may bahagi ng Recto Bank sa West Philippine Sea nitong gabi ng Hunyo 9.
Nabatid lamang ng pamahalaan ang insidente matapos i-report ng isang mangingisda ang insidente.
Dahil dito, mariing kinondena ni Lorenzana ang insidente dahil hindi man lamang tinulungan ng Chinese vessel ang lumubog na fishing vessel na FB Gimver 1 na may 22 Pilipinong mangingisda ang sakay.
Batay sa report, noong mangyari ang insidente nakaangkla ang FB Gimver 1 nang banggain ito ng Chinese vessel.
Ayon sa DND, mabuti na lamang at may mga Vietnamese fishing vessel sa vicinity at ni-rescue ang 22 mga mangingisdang Pinoy.
Inatasan na rin ng AFP ang BRP Ramon Alcaraz na irekober ang lumubog na fishing vessel at i-rescue ang mga crew nito.
Nanawagan ngayon ang kagawaran para magsagawa ng formal investigation kaugnay sa insidente at tiniyak na magsasagawa ng diplomatic steps para hindi na maulit ang insidente.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa kapitan ng Vietnamese fishing vessel sa ginawag pagtulong nito.