-- Advertisements --

Determinado si Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio na lampasan ang kanyang nagawa dalawang taon na ang nakakaraan sa pagsabak nito sa 2019 World Senior Chess Championship sa Bucharest, Romania.

Noong 2017 edition kasi ng naturang torneyo na ginanap sa Acqui Terme, Italy, nakuntento lamang sa ikalawang puwesto ang 57-year-old Pinoy grandmaster, sunod kay GM Julio Granda Zuniga ng Peru.

Nasa 19th seed ang 13-time Philippine Open champion sa 139 entries kasama na ang 22 GMs na maghaharap-harap sa Rin Grand Hotel, na siyang venue ng 11-round tournament.

Bumiyahe pa noong Linggo, Nobyembre 10 pa-Romania si Antonio kasama si National Master Cesar Caturla.

Si Caturla, na miyembro ng Philippine team sa 1976 Haifa (Israel) Chess Olympiad, ay lalahok naman sa 65-and-over section.

Suportado ang biyaheng ito ni Antonio ng National Chess Federation of the Philippines, Philippine Sports Commission, at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation.