Bumuhos ang pagbati matapos iluklok sa World Chess Hall of Fame ng World Chess Federation si Filipino Grandmaster Eugene Torre.
Sinabi ng 69-anyos na Iloilo native, labis itong natutuwa at “proud” dahil siya ang unang Asian male player na nominado sa FIDE.
Sinundan nito ang yapak ni dating women’s world champion Xie Jun ng China na ginawaran ng Hall of Fame noong 2019.
Nakasabay nitong na-induct sa Hall of Fame sina Argentine GM Miguel Najdorf at GM Judit Polgar ng Hungary.
Mula nang itatag ang Hall of Fame awardees nasa 37 pa lamang na mga pangalan ang kinilala sa prestihiyosong listahan.
Kung maalala unang naging grandmaster sa Asya si Torre noong 1974 sa edad lamang na 22-anyos at noong 2016 ay kinilala rin siyang Philippine Sports Hall of Fame.
Mula ng lumabas ang nasabing balita ay bumuhos din sa social media ang pagbati kay Torre mula sa iba’t ibang sports personalities sa bansa pati na sa Philippines Olympic Committee at iba pang mga sports bodies.
Si Casto Abundo ng Pilipinas na miyembro ng FIDE historical committee ang siyang nag-nominate kay Torre. Ang iba pang bahagi ng komite ay ang chairman na si Willy Iclicki ng Belgium, Andrzej Filipowicz ng Poland at Berik Balgabaev mula sa Kazakhstan.