Nasungkit ng Pinoy gymnast na si Carlo Edriel Yulo ang ikalawang gintong medalya sa 2024 Asian Championship sa Tashkent, Uzbekistan nitong araw ng Sabado, Mayo 18.
Dinomina ni Yulo ang Floor exercise Finals ng Men’s Artistic Gymnastics Asian Championship sa score na 14.933.
Naiuwi naman ng katunggali nito na si Milad Karimi ng Kazakhstan ang silver medal na nakakuha ng 14.600 points habang bronze medal naman ang naibulsa ni Zhang Yanzhi ng China na may 14.200 points.
Habang ang ka-team ni Carlos na si Ivan Cruz ay nakuha ang ikaapat na pwesto sa score na 13.966 points.
Nagawang ma-secure din ni Carlos ang ika-anim na pwesto sa Still Rings Finals sa score na 13.533.
Matatandaan, noong Huwebes, Mayo 17, nakuha ni Yulo ang gintong medalya sa men’s individual all-around sa pamamagitan ng 84.931 points. Natalo nito ang kalabang si Karimi na nakakuha ng 84.632 points at ang crowd favorite na si Abdullah Azimov ng Uzbekistan na nakapuntos ng 82.431.
Samantala, tatangkain naman ni Yulo na masungkit ang panibagong gintong medalya sa kaniyang muling pagsabak sa second leg ng Apparatus Finals bukas, Mayo 19 bandang 7PM, oras sa PH.