Paboritong manalo ng gintong medalya ang Pinoy gymnast na si Carlos Yulo sa isang mga gymnastics event na kanyang sasalihan sa Paris Olympics.
Si Yulo ay ang No.1 sa men’s floor exercise, batay sa ranking na inilabas noong 2020 ng International Gymnastics Federation (FIG).
Batay naman sa prediksyon ng International Gymnast Media (IGM), si Yulo ay maaaring manalo ng gintong medalya sa floor exercise na siyang paboritong laro ng Pinoy gymnast.
Maaari din umanong magbulsa ito ng silver medal sa vault exercise, batay pa rin sa naturang prediksyon.
Noong Tokyo Olympics, si Yulo rin ang paboritong manalo sa floor exercise ngunit biglaan siyang nahulog sa qualifying round kayat tuluyan siyang nalaglag sa naturang event.
Gayunpaman, agad siyang sumabak sa international competition tatlong buwan matapos ang Olympics at naging world champion.
Mamayang gabi (July 27) ay agad sasabak ang 24 anyos na si Yulo sa kanyang unang kompetisyon na nakatakdang ganapin sa Bercy Arena dakong 9:30 PM (Manila time).
Makakalaban niya ang hanggang 50 gymnasts mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ngunit tanging 24 lamang ang mapipiling papasok para sa all-around final round.
Mula dito ay pipili ang mga judges ng walong top gymnast para makikipaglaban sa medal round.