Pormal nang inanunsiyo ngayon ng B.League sa bansang Japan ang mga lalahok sa All-Star Festivities sa Okinawa, Japan sa Enero ng susunod na taon.
Kabilang sa tampok sa All-star game ang nakatakdang paglalaro ng kasalukuyang walong mga Pinoy basketball players bilang bahagi ng Asian imports sa Japan’s professional league.
Haharapin ng mga Pinoy players ang B.League Rising Stars sa January 14 sa susunod na taon.
Kung maalala kabilang sa mga players na naglalaro ngayon sa Japan bilang import ay ang dating PBA player na si Kiefer Ravena (Shiga Lakestars), ang kanyang kapatid na si Thirdy Ravena (San-En NeoPhoenix), ang dating ring PBA star na si Ray Parks (Nagoya Diamond Dolphins), at nga UAAP stars at dating bahagi ng Gilas Pilipinas na sina Javi Gomez de Liano (Ibaraki Robots), Dwight Ramos (Toyoma Grouses), Kobe Paras (Niigata Albirex BB), Kemark Carino (Aomori Wat’s), at Juan Gomez de Liano (Earthfriends Tokyo Z).
Liban nito sasabak din si De Liano sa Three-Point Contest pool, si Paras naman ay lalaban sa Slam Dunk Contest, habang ang magkapatid na sina Thirdy at Kiefer ay bahagi naman ng Skills Challenge.
Aminado naman si Kiefer na ngayon pa lamang ay excited na sila at magsasama-sama ang mga kababayang Pinoy na nasa torneyo para sa gaganaping All-Star game.
Tiniyak na lamang niya na masusulit ang mga fans sa ibibigay nilang kasiyahan sa pinakakaantay na event.