Pinayuhan ng mga eksperto ang internet users sa Pilipinas na pag-ibayuhin pa ang pag-iwas sa mga online scam.
Ito ay makaraang makapasok ang bansa sa top countries na may pinakamataas na online shopping scams.
Batay sa survey ng 2023 Asia Scam Report na isinagawa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center kung saan umabot sa 35.9% ang shopping scam rate sa ating bansa.
Ayon sa CICC, ang 2023 Asia Scam Report na inilabas ng 1st Anti-Scam Asia Summit ng Taipei, nasa 20,000 respondents ang sumagot mula sa China, Hong Kong, Indonesia, Japan, Malaysia, ang Pilipinas, Singapore, South Korea, Taiwan, Thailand at Vietnam.
Dahil dito, iginiit ni CICC Executive Director Alexander Ramos, na maging maingat sa kanilang online shopping lalo na’t papalapit ang Christmas season.
Sinasabing kabilang sa mga uri ng scam ang identity theft, investment scam, government o bank scam, job scam, lottery scam, family relatives’ scam, bill payment scam at charity scam.