-- Advertisements --
busan film award

Isa na namang pelikulang Filipino ang mag-uuwi ng karangalan sa bansa matapos na manalo kanina ng Kim Jiseok Award ang pelikulang “Gensan Punch” sa prestihiyosong 26th Busan International Film Festival doon sa South Korea.

Ang naturang Filipino-Japanese film ang producer at ang nagdirehe ay ang award-winning director na si Brillante Mendoza.

Tinalo niya ang iba pang nominated films mula sa mga bansang Azerbaijan, Bangladesh, China, India, Japan, Philippines, at Singapore para sa pinag-aagawang award.

Ang Kim Jiseok Award ay iginagawad sa isang pelikula na sumisimbolo sa repleksiyon sa Asian cinema.

Ang “Gensan Punch” na isang HBO Asia Original film ay kinunan ang mga eksena sa Pilipinas at doon sa Japan.

gensan punch

Kabilang sa mga aktor ay sina Shogen, Ronnie Lazaro, Kaho Minami, Beauty Gonzales, at Vince Rillon.

Naging inspirasyon ng pelikula ang tunay na istorya ni Naozumi Tsuchiyama, ukol sa isang Japanese na may prosthetic leg at nagtungo sa Pilipinas upang mag-ensayo para matupad ang pangarap na maging professional boxer.

Sinasabing bumilib daw ang mga hurado sa kakaibang istorya nito na pambihira na idinaan sa pamamagitan ng documentary style.