Ipinagmalaki ng Philippine national taekwondo team na anumang oras ay handa na umano silang sumabak sa laban kaugnay sa nalalapit nilang kampanya sa Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Sung-Chon Hong, executive officer ng Philippine Taekwondo Association, kumpiyansa itong magagawa ng mga jins ng bansa na magbulsa ng limang gintong medalya.
Nakatulong din aniya sa kanilang training ang tuloy-tuloy na suportang natatanggap nila mula sa gobyerno.
Katunayan ay nakatakda rin silang sumalang sa 10 araw na training sa South Korea sa katapusan ng buwan bilang preparasyon sa SEA Games.
Kabilang sa mga inaasahang magbubulsa ng gintong medalya ang mga beteranong sina Pauline Lopez, Butch Morrison, at Kirstie Elaine Alora, na siyang flag bearer ng Team Philippines noong 2017 Games.
Sa nasabing bersyon ng SEA Games na ginanap sa Malaysia, nagbulsa ang Pilipinas ng dalawang ginto, tatlong silver at apat na bronze medals.
Ilan sa mga posibleng maging mahigpit na karibal ng Pilipinas sa nasabing sport ay ang Thailand, Malaysia, at Vietnam.