Sisimulan na ng 10 Pinoy weightlifters ang kanilang pagsasanay sa Fujian, China upang paghandaan ang kanilang pagsabak sa dalawang mahahalagang kompetisyon ngayong taon, kasama na ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella, mananatili ng mahigit isang buwan ang mga atleta para sa kanilang preparasyon sa SEA Games at sa World Championship, na parehong importante upang ma-qualify sa Olympics.
Ayon pa kay Puentevella, ang magiging venue ng kanilang training camp ay siyang pinag-ensayuhan ni Hidilyn Diaz noong 2016 kung kailan niya napanalunan ang silver medal sa Rio Olympics sa Brazil.
Tingin din ng sports official, maraming maiuuwing gintong medalya ang Pinay weightlifters lalo na’t umatras na ang powerhouse team Thailand sa pagsali nila sa naturang miltu-sports meet.
Nitong Marso nang napagpasyahan ng Thailand Amateur Weightlifting Association na hindi na sila magpapadala ng mga atleta sa SEA Games at maging sa 2020 Olympics matapos magpositibo sa paggamit ng drugs ang walo sa kanilang mga atleta na sumali sa IWF World Championships sa Turkmenistan noong nakaraang taon.