-- Advertisements --

Inihayag ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang deployment ng Philippine medical team sa Turkey para magbigay ng tulong sa mga biktima ng lindol ay makakatulong sa Pilipinas na maberipika sa ilalim World Health Organization’s Emergency Medical Teams (WHO-EMT).

Ginawa ni Vergeire ang pahayag sa pagtanggap sa pagbabalik ng 30-man Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT), na bahagi ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) na ipinadala sa Turkey.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Vergeire na ang deployment ng mga ito ay nagsilbing hakbang tungo sa layunin ng bansa na maberipika batay sa mga pamantayang itinakda ng World Health Organization’s Emergency Medical Teams initiative.

Ayon sa Department of Health, ang Philippine Emergency Medical Assistance Team ay kasalukuyang sumasailalim sa proseso ng pag-verify para sa mga ito, at ang pag-deploy nito sa Turkey ay nagbibigay ng pagkakataon na subukan ang kahandaan upang tuluyang maiuri sa World Health Organization’s Emergency Medical Teams initiative (WHO-EMT).

Aniya, ang international deployment ng naturang medical team ay hindi lamang nagpapayaman sa kakayahan ng mga naka-deploy sa disaster risk reduction and management, ngunit tumutulong din sa mga bansa sa panahon ng emergency na kung saan inaasahan ang global action.

Una na rito, ang 82-man team ay bumalik sa Pilipinas kamakailan nang matapos ang kanilang misyon na tumulong sa rescue at retrieval operations sa 7.8-magnitude na lindol na tumama sa Turkey at Syria noong Pebrero 6.