Hinarang ng Bureau of Immigration ang 29 na taong gulang na lalaki sa Ninoy Aquino International Airport nitong Lunes, April 22, matapos mapag-alamang magta-trabaho sa Thailand nang walang kaukulang dokumento.
Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement Section o I-PROBES, sinabi ng lalaki na magbabakasyon lamang ito sa Thailand ngunit napansin ng mga opisyal na may mga pahayag itong hindi tugma-tugma kaya isinailalim ito sa secondary inspection.
Dito na natuklasan ng BI na mayroon itong fake return ticket at plano nitong magtrabaho sa isang online gaming company sa Thailand.
Ibinunyag din ng lalaki na na nagbayad siya ng P30,000 sa isang babaeng recruiter na nakilala niya sa isang messaging app kung saan pinangakuan siyang makakatanggap ng humigit kumulang P65-K kada buwan.
Pinaghihinalaan ni I-PROBES Chief Bienvenido Castillo III na panibagong kaso ito ng catphishing kung saan pinapangakuan umano ng mga biktima na magta-trabaho sa isang online gaming company pero pagdating sa bansa ay nagiging scammers na lang.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, malaking problema na ang catphishing sa Asya na nagtatago bilang online gaming companies.