-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinala sa United Kingdom ng pinaglilingkuran nilang British Company ang ilang Pilipino na inilikas sa Aghanistan matapos na sakupin ng mga Taliban ang Kabul City.

Mark Donald Suela afghanistan
Mark Donald Suela

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mark Donald Suela, tubong Samar at canine handler security ng British Company na umalis sila sa Kabul Airport noong sakay ng C-130 plane ng Royal British Air Force.

Umabot ng ilang oras bago sila nakaalis sa Kabul City dahil nakipagnegosasyon pa ang kanilang mga opisyal sa kumander ng Taliban at binusisi rin ng British Army ang kanilang mga dokumento tulad ng kanilang ID at pasaporte.

Maluwang aniya sa loob ng eroplano dahil 64 lamang silang sumakay.

Kabilang sa mga manggagawang inilikas ng British Company ang mga kawaning Pilipino, Sri Lankan, Nepalese at mayroon din ng mga Afghans.

Sinabi ni Suela na naka-quarantine sila ngayon sa isang hotel sa North Hampton habang ang iba ay sa hotel sa Birmingham.

Tatagal ng 10 araw ang kanilang quarantine at hindi pa nila alam kung magtatagal sila sa UK o pauuwiin sila sa Pilipinas.

Gayunman, labis silang magpapasalamat kung bibigyan sila ng pagkakataong patuloy na makapanglingkod sa British Company.

Ayon pa kay Suela, nagsimula siyang naglingkod sa British Company noong Setyembre 2020 matapos siyang umalis sa United Nations sa South Africa at nag-apply online sa UN Afghanistan.

Samantala, ikinuwento ni Suela na nagkaroon siya ng trauma matapos na tutukan ng M16 armalite rifle ng isang Taliban.

Nangyari ito habang nakalinya sila papuntang gate ng airport sa Kabul City.

Kasamang niyang tinutukan ng Taliban ang isa pang Pilipino na nasa kanyang likuran na unang tatamaan ng bala sakaling pinaputukan sila.

kabul 2

Gayunman, nang yumuko ang kanyang kasama at nagpatuloy sa paglalakad ay hindi naman pinaputok ng Taliban ang kanyang baril ngunit nagkaroon pa rin siya noon ng pangamba na maaari silang balikan ng Taliban.

Sinabi ni Suela na may mga mababait namang Taliban.

Ang iba ay nakakapagsalita ng English at mayroon pang isang kumander ang kanyang binati sa English at ngumiti.

Samantala, sinabi niya na patuloy ang monitoring niya sa mga kaibigan na naiwan pa sa Aghanistan.

May ilan aniya na nasa tanggapan ng UN at maaaring kasama silang makakaalis sa Aghanistan kapag umalis doon ang puwersa ng UN.