-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Uuwi sa Pilipinas para magcourtesy call sa Malakanyang ang isang binatang Pilipino na nagtapos na summa cumlaude sa Royal Holloway University sa London, United Kingdom sa kursong Bachelor’s Degree of Computer Science at nakamit ang 98% grade.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Girlie Gonito, ina ni Errolson Joseph Gonito, 22 anyos, nagtapos na summa cumlaude na uuwi sa Pilipinas ang kanyang anak sa August 8, 2023.

Pagdating sa Pilipinas ay dederetso muna siya sa Batangas dahil bibigyan din siya ng parangal ng gobernador ng Batangas sa August 12, 2023 dahil unang pagkakataon ito sa kasaysayan na magkaroon ng Pilipinong summa cumlaude sa prestisyosong unibersisad sa United Kingdom.

Ayon kay Atty. Gonito, tubong Echague, Isabela at human rights lawyer sa United Kingdom, nabalitaan na rin ng Embahada ng Pilipinas ang nakamit ng kanyang anak at inilagay na ang kanyang pangalan sa Cultural Center Department ng Philippine Embassy.

Labis niyang ipinagmamalaki ang anak dahil nagbunga ang lahat ng sakripisyo para makamit ang mataas na karangalan sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo.

May alok aniya kay Errolson sa University of Central London Hospital at nakatutok siya ngayon sa pagbuo ng community apps na makakatulong sa mga Pilipino lalo na sa mga nasa ibang bansa.

Bilang pinakamagaling sa larangan ng computer science sa London University ay nais ng kanyang anak na magamit ang teknolohiya sa tamang paraan.

Dahil nakita nito na maraming Pilipino ang nabibiktima ng human trafficking ay nagkaroon siya ng idea na gumawa ng community apps na madedetect kung nasaan ang mga Pilipino na nasa panganib ang sitwasyon bilang tulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay Atty. Gonito, naging inspirasyon siya ng kanyang anak dahil nakikita nito ang pagtulong niya sa mga Pilipino bilang human rights lawyer.

Ayon pa kay Atty. Gonito, inipon ng kanyang anak ang mga natanggap na regalo nang siya ay nagtapos para ipambili ng mga gamit na ipapamahagi niya sa mga nangangailangan sa Pilipinas.