BAGUIO CITY – Ikinagulat ng isang Pinoy nang makatanggap siya ng medalya at certificate of recognition mula kay Grand Duke Henri of Luxembourg.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Baguio kay Gaudencio de Guzman Manalo, inihayag nito na bilang isang mekaniko at miyembro ng technical team ng Luxembourg Army ay masaya siya sa nakuha niyang parangal.
Responsibilidad niya umano na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga military vehicle kung saan ipinatong ang kabaong ng dating duke.
“Una, nagulat ako then after that siyempre honored ako kahit ako ay hindi Luxembourgese, hindi ako talaga taga dito, hindi nila tinignan yun. Talagang nakakagulaat dahil ultimo pala Grand Duke bibigyan ka ng parangal dahil sa nagawa mo. Sa mga Pilipino sa iba’t ibang lugar sa mundo, pagbutihin natin para maipagmalaki din natin yung ating bansa na pag sinabi na Pilipino yan, mahusay magtrabaho yan,” ani Manalo.
Ang parangal ay pagkilala ng kaharian sa naging kontribusyon ni Manalo sa libing ng dating duke na si Grand Duke Jean noong Mayo 4.