ILOILO CITY- Hangad ng isang Ilonggo Barrister at Solicitor ng High Court ng New Zealand na makapagbigay ng legal advice sa mga Filipino Communities sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Richard Bermejo Perillo, tubong Jaro, Iloilo City at naka-base na sa New Zealand, sinabi nito na naging pinakamahirap na desisyon ay ang pagbitaw niya sa kanyang career sa Pilipinas ngunit naging “worth it” dahil napagtanto niya ang kaibahan ng justice system ng Pilipinas at New Zealand.
Ayon kay Atty. Perillo, hindi imposibleng maging abogado sa labas ng bansa bastat determinado at handang magsakripisyo.
Pahayag nito, mahigpit ang New Zealand Council of Legal Education sa pag-verify ng mga dokumento kung saan nakikipag-ugnayan muna ito sa Korte Suprema, sa Integrated Bar of the Philippines at sa mga paaralan kung siya nagtapos upang makumpirma na totoo ang ang mga dokumentong isinusumite.
Kapag nakumbinsi na ang New Zealand Council of Legal Education , maglalabas ito ng assessment letter kung ire-require nila na makapag-aral sa law school ang indibidwal.
Napag-alaman na ang Barrister ang isang abogadong nagbibigay ng legal advice at humaharap bilang kinatawan ng kaniyang mga kliyente sa civil, family at criminal cases sa korte at tribunals samantalang ang Solicitor naman ang naghahanda ng legal documents at inaaral ang detalye ng legal arguments.