Excited na ang Philippine para-athlete team sa nalalapit na 2022 ASEAN Para Games sa Sukarata, Indonesia sa darating na July 30 hanggang August 6, 2022. Ito ang unang pagkakataon na muling lalahok ang mga atleta sa international competition matapos ang halos dalawang taon na online training.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa two-time paralympic swimmer at ASEAN Para Games multi-gold medalist na si Ernie Gawilan, hindi nito maitago ang kaniyang gigil na muling makipagtagisan ng galing kontra sa kaniyang mga katunggali mula sa iba’t–ibang bansa.
“Sa ngayon po, talagang gigil po ang buong team, dahil medyo matagal din po kaming hindi nakasali sa kompetisyon, dahil naudlot ang ASEAN Para Games na gaganapin sana dito sa atin. Malaking tulong ito para sa akin at sa mga kapwa ko na PWD athletes na magrepresent muli ng bansa.”
Ang Philippine team ay binubuo ng 144 para-athletes, 68 na mga officials, coaches, trainers, at mga medical staff. Ang mga atleta ay makikipagtagisan sa iba’t-ibang larangan ng sports tulad na lamang ng swimming, athletics, chess, table tennis, wheelchair basketball at iba pa.
Matatandaan na noong 2017 ASEAN Para Games sa Malaysia, nagtapos ang Pilipinas sa ikalimang pwesto kung saan nag-uwi ang mga ito ng 20 gold, 20 silver, at 29 bronze.