Nagpasalamat si Pinoy Para swimmer Ernie Gawilan sa naging suporta ng mga Pilipino sa Team Philippines para sa Parlympics 2024 na nakatakdang magtapos bukas, Setyembre-8.
Ayon kay Gawilan, buo ang suportang natatangap ng team mula sa sports fans at mga opisyal ng bansa mula pa man noong naghahanda pa lamang ang mga ito hanggang ngayong papatapos na ang naturang torneyo.
Si Gawilan ay isa sa mga miyembro ng Philippine delegation na umabot sa Finals ng 400m freestyle ng swimming ngunit bigong makapagtapos sa medal finish.
Nakuha nito ang ika-anim na pwesto sa kanyang event kasunod na rin ng magandang performance na ipinakita sa Para games.
Samantala, nais naman ang Pinoy Paralympian na tumutok sa karagdagan pang mga pagsasanay sa pagbabalik nito sa Pilipinas.
Gayunpaman, hindi pa umano niya alam ang mga susunod na papasuking kumpetisyon pagbalik dito sa Pilipinas, lalo at dedepende aniya ito sa kung ano ang mga suhestiyon ng kanyang coach.
Ang Team Philippines na sumabak sa Paris Para Games ay binubuo nina Allain Ganapin ng Taekwondo, Angel Mae Otom at Ernie Gawilan sa swimming, track and field athletes Jerrold Mangliwan at Cendy Asusano, at archer Agustina Bantiloc.