BACOLOD CITY – Kinakabahan ngunit excited na ang mga Pinoy athletes na maglaro sa Tokyo Paralympics upang magbigay ng karangalan sa Pilipinas sa gitna pa rin ng dumaraming kaso ng COVID-19 kung saan nagpositibo rin sa nasabing virus ang isang Philippine coach pagdating doon sa Japan.
Gayundin ang powerlifter na si Achele Guion at kanyang coach.
Sa panayam ng Star FM Bacolod sa kay wheelchair racer Jerrold Mangliwan at flag bearer ng Pilipinas sa opening ng Paralympics, feeling blessed aniya siya at handa nang maging kinatawan ang bansa.
”Sobrang blessed and honored to represent the country na e wave natin yong flag natin sa pinakamataas sa larangan ng sports para sa mga person’s with disability at maglalaro ako para ipakita ang galing para sa mga kababayan,” pahayag pa ni Mangliwan.
Ayon naman sa 50-year old discus thrower na si Jeanette Acevada, sa kabila aniya ng kanyang edad ay masaya siyang gagawin ang makakaya para sa kaniyang laban
”Hindi ako maka paniwala na sa edad kong 50 years old ay nakasali pa ako, talagang napa blessed at hindi ko sasayangin ang pagkakataon, gagawin ko ang best ko, kasi pag nagawa mo na lahat ng best mo wala nang regrets yon,” ani Aceveda.
Sinabi naman kay Para swimmer Ernie Gawilan at flag bearer ng Pilipinas sa closing ceremony ng Paralympics, malaking tulong sa kanila ang dagdag na cash allowance kaya puspusan din ang pag-eensayo nila.
”Excited kami na kinakabahan pero wala nang atrasan to, tuloy na tuloy na ang laban, at sobrang malaking tulong sa amin ang dagdag na cash allowance. Puspusan din ang naging training namin kasi once in a lifetime ito eh, instead na ma pressure mas inspired kami ngayon.”
Dalawang bronze medal pa lang ang nakukuha ng Pilipinas sa paglahok sa Paralympics simula noon pang taong 1988 sa Seoul, Korea.
Magugunitang hindi na nakasama sa biyahe ng delegasyon noong Linggo ang isang athleta, ilang opisyales at coaches na nagpositibo sa coronavirus disease at kasalukuyan nang nasa isolation bilang pagsunod sa health and safety protocols.