Patuloy ang pamamayagpag ng pole vaulter na si Ernest John (EJ) Obiena matapos makapagbulsa na naman ng gold medal sa isang torneyo sa Germany.
Naghari ito sa Jump and Fly Meet sa Germany ngayong araw.
Nalusutan ng Filipino pole vault ace ang 5.80 meters para dominahin ang three-player field.
Ito na ang ikalawang gold medal ni Obiena matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Noong Hunyo 29 lamang nang masungkit din ni Obiena pole vault gold medal sa Taby Stavhoppsgala sa Sweden.
Madali lamang nalusutan ni Obiena ang 5.20m, 5.40m at 5.60m bago ang tatlong beses na attempt sa 5.80m.
Tinangka rin ng 26-anyos na atletang basagin ang Asian record na 5.93m pero bigo ito sa tatlong attempt sa 5.94m.
Samantala, nakuha naman ni Bokai Huang ng China ang silver na umabot sa 5.50m habang bronze naman ang iuuwi ni Vincent Hobbie sa kanyang 5.10m-performance.