NAGA CITY- Humingi ngayon ang isang Overseas Filipino (OF) sa Embahada ng Pilipinas sa India ng tulong kaugnay ng nararamdamang mas nag-iinit na isyu sa COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rina Padua, isa sa mga turistang na-stranded sa India matapos abutan ng lockdown, sinabi nitong hindi aniya niya nakikitaan ng aksyon ang embahada lalo na sa mga Pinoy na hindi makalabas sa naturang bansa.
Ayon kay Padua, makailang beses na siyang magpaabot ng mensahe sa embahada ngunit wala naman aniya silang tugon sa isyu.
Nabatid na nagtungo sa India si Padua noong buwan ng Marso para sa isang pilgrimage ngunit hindi na ito nakalabas dahil sa naabutan na ng lockdown.
Samantala, aminado rin si Padua na nakakaranas din sila ng diskriminasyon sa naturang bansa sa gitna ng nasabing problema.