KORONADAL CITY – Isinalaysay sa Bombo Radyo Koronadal ng isang Pinoy na tubong South Cotabato ang kanyang karanasan kung paano nakaligtas sa rocket attack ng hamas.
Ayon kay Bombo International Correspondent Geronio Lagamon, sampung taon nang nagtatrabaho bilang caregiver sa Israel, hindi niya inaasahang mabubuhay pa siya noong unang pag-atake ng Hamas militants dahil muntikan na umano siyang tamaan ng rocket at iba pang kasamahan nito na nagbibiseklita papuntang Tel aviv.
Ayon kay Lagamon, nagkaaberya pa angbiseklita nito at nahirapang makapagtago agad ngunit dahil sa tulong ng mag-asawang Israeli ay nakauwi ito ng ligtas sa kanyang apartment.
Dagdag pa nito, sa tinagal ng panahon na nakakaranas ito ng airstrike sa Israel ay ngayong taon na kaguluhan ang itinuturing nitong pinakamalala.
Sa katunayan, nababahala siya ngayon sa anim na mga Pinoy na naiulat na missing sa kanilang lugar lalo na at kinumpirma na ng Department of Foreign Affairs na dalawa na rin ang binawian ng buhay.
Sa ngayon, patuloy silang nakakarinig ng serin na hudyat ng pagtatago sa bomb shelter upang di tamaan ng airstrike.
Hindi rin sila basta-basta na lumalabas sa kanilang mga tinutuluyan dahil sa ulat na maraming mga hamas na nakapasok na sa kanilang lugar at gumagawa ng gulo o di kaya ay nanghohostage.
Nangyayari na rin umano ang panic buying dahil nag-iimbak na ng pagkain ang mga taga-Israel sakaling hindi pa humupa ang kaguluhan o lumala pa ito.
Nanawagan naman ito sa kaniyang pamilya sa South Cotabato na huwag mag-alala dahil nag-iingat naman umano siya kasama ang kanyang mga kapatid ngunit humihiling ng panalangin para sa kanilang kaligtasan.