-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi na muna lumalabas sa kanilang bahay ang mga Pinoy sa Sudan kasunod matapos na magkaroon ng military takeover sa kanilang pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Selma Ornopia Delfin mula sa capital city ng Sudan na Khartoum, sinabi niyang hindi sila pinapalabas ng bahay ng kanilang mga amo dahil magulo ang daan bunsod na rin ng mga kilos protesta na isinagawa ng mga Sudanese.

Sa mga nakalipas na araw ay isang Pinoy ang hinold-ap habang sakay sa kanyang motorsiklo.

Dahil sa takot na patayin ng mga holdupper, napilitan aniya ang Pinoy -na kilala din ni Delfin- na ibigay na lang ang kanyang pera sa halip na manlaban pa.

Ayon sa OFW, gutom ang mga Sudanese na walang trabaho at negosyo dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng bilihin kasabay ng paghina ng value ng Sudanese pound.

Dahil mataas aniya ang katumbas ng sahod ng mga Pinoy sa Sudan kaysa mga lokal, galit aniya sa mga OFWs ang mag Sudanese kung kanilang makita sa daan.

Sa ngayon, mahirap ayon kay Delfin ang komunikasyon ng mga Pinoy sa Sudan dahil pinutol ng Sudanese military ang internet at local calls, maliban lamang sa mga gumagamit ng private internet.