-- Advertisements --

Nakauwi na sa Pilipinas ang Filipino seafarer na nabalian ang kamay nang tumama ang Russian missile sa kanilang barko sa Black Sea, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Cacdac nitong Linggo.

Sa isang larawang pinost ni Cacdac online, ang kaliwang kamay ng seafarer ay makikitang nakabalot sa isang cast pagdating niya sa airport.

Malugod siyang tinanggap ng mga opisyal mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sinabi ni Cacdac na parehong bibigyan ng DMW at OWWA ang seafarer ng post-arrival assistance.

Kung matatandaan sa unang bahagi ng buwang ito, winasak ng isang missile ng Russia ang Liberian-flagged civilian vessel na papasok sa Black Sea port sa Odesa region. Maghahatid dapat ito ng iron ore sa China, batay sa Ukraine Infrastructure Minister na si Oleksandr Kubrakov.

Tatlong Pilipinong tripulante ang sugatan matapos ang insidente. Ang isang engine trainee ay may bali sa kaliwang kamay, habang ang dalawa pa — ang kapitan ng barko at ikatlong kasama — ay nagtamo ng minor injuries.

Sinabi ni Cacdac noon na ang engine trainee ay dinala kaagad sa isang ospital at nagkaroon ng matagumpay na operasyon.