-- Advertisements --
MV Athens Bridge PGC 2
IMAGE | MV Athens Bridge docked at Sangley Point in Cavite. Image from Facebook/Philippine Coast Guard

MANILA – Pumanaw na ang isang Pilipino seaman na tinamaan ng B.1.617, ang variant ng COVID-19 na unang natuklasan sa India.

Ayon sa Department of Health (DOH), noong Biyernes, May 21, nang bawian ng buhay ang lalaki.

Kabilang siya sa siyam na crew ng MV Athens Bridge na nag-positibo sa tinaguriang “Indian variant.” Isa rin siya sa apat na seaman, na in-admit sa Manila Medical Center.

“Yung sa kanilang apat na na-confine sa Manila Med, nasa ospital pa rin. Isa ay namatay last week, I think that was Friday,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Tatlo ay nakaka-recover na. The rest of the members of the crew were already tagged as recovered.”

Ayon kay Vergeire, ililipat na sa kanilang local government units ang mga Pinoy crew na gumaling.

Batay sa inisyal na report, may address na Paranaque City ang yumaong seaman.

Kung maaalala, ni-rescue ng Department of Health at Philippine Coast Guard ang mga Pilipinong seaman matapos nilang mag-positibo sa COVID-19.

May travel history daw sa India ang cargo ship, na tinanggihang makadaong sa Vietnam.

PH COVID-19 ‘INDIAN VARIANT’ CASES

Mayroong 12 kaso ng Indian variant sa Pilipinas.

Ang unang kaso ay isang seaman na galing sa bansang Oman at nakatira ngayon sa South Cotabato.

Mayroon daw siyang siyam na close contacts, na pare-parehong negatibo sa COVID-19.

“As of May 5, they are all considered recovered and they have gone back to their local government units at mino-monitor.”

Ang ikalawang kaso naman ay isa ring seaman mula United Arab Emirates, na nakatira ngayon sa Camarines Sur.

Ayon kay Vergeire, mula sa 34 nitong close contacts, tatlo ang nag-positibo sa COVID-19. Habang negatibo ang natirang bilang.

“Yung tatlo ay na-sequence pero walang nakita na variant of concern. May isa sa kanilan na na-sequence na ang lumabas ay ‘A lineage’ which is not significant when you talk about the variants na pinag-uusapan ngayon.”

Pare-pareho na raw gumaling sa COVID-19 ang tatlong contacts. Dumaan din sila sa 14-day isolation, at mino-monitor ngayon ng LGU.

Samantala, ang pinakahuling Indian variant case ay mula Cavite, na galing din ng ibang bansa.

Wala raw naging close contact ang naturang kaso sa kanyang flight, pero sumailalim din siya sa isolation.

“Nandoon siya nag-start sa quarantine facility noong May 1, at sa ngayon ay mino-monitor pa rin siya.”

Binansagang “variant of concern” ng World Health Organization ang B.1.617 dahil sa mga “mutation” nito na kahalintulad ng sa B.1.1.7 (United Kingdom), B.1.351 (South Africa), at P.1 (Brazil).