TACLOBAN CITY – Malaking pagbabago sa seguridad sa bansang Sri Lanka ang ilalatag matapos ang sunod-sunod na pag-atake sa ilang simbahan at mga hotel.
Sa ulat sa Bombo Radyo ng international correspondent Khyre Neil Delos Santos, na tubong Brgy. Guian II, Palompon, Leyte at nagtatrabaho bilang seaman, sinabi nito na ang kanilang sinasakyang barko ay nagkataong nakadaong sa Colombo Port main road nang mangyari ang serye nang pangbobomba.
Ayon sa kanya, hindi na raw sila pinababa kasama ang mga pasahero dahil ilang metro lang ang layo ng port area sa St. Anthony’s Shrine kung saan nangyari ang isa sa mga pinasabugang lugar.
Habang ipinagbawal din ng Sri Lankan police ang mga puti na lumabas dahil ayon sa kanilang intelligence information sila raw ang target ng mga teroristang pinaniniwalaang miyembro ng ISIS.
Samantala ayon naman sa kasama nitong Sri Lankan national na isang buntis na suicide bomber na miyembro ng Muslim ISIS ang pumasok sa simbahan sa gitna ng misa kung saan dala nito ang bomba na agad namang pinasabog sa kanyang katawan.