ILOILO CITY- Humakot ng medalya ang Ilonggo singer na anak ng magsasaka sa 23rd World Championships of Performing Arts (WCOPA) 2019 na ginanap sa Long Beach Performing Arts Center sa Long Beach, California, USA.
Ito ay si John Bryan Galan Carnaje ng Badiangan, Iloilo.
Si Carnaje ang naging kinatawan ng Iloilo at miyembro ng Team Philippines para sa WCOPA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Carnaje, sinabi nito na malaking karangalan para sa kanya ang maipakita sa buong mundo ang galing ng mga Filipino sa larangan ng pagkanta.
Nakuha ni Carnaje ang gold medal sa Country and Western Music Category kung saan kinanta niya ang “You’re Still the One” ni Shania Twain; silver medal sa Latin category kung saan inawit niya ang “Yo Te Voy Amar” (This I Promise You) ng N’sync; at bronze medal para sa Original Works Category kung saan kinanta niya ang sariling komposisyon na “Take Me Higher.”
Ginawaran din ng 2019 Champion of the World plaque sa kanyang division si Carnaje.
Ang WCOPA na tinuturing na Olympics of the Performing Arts ay taunang ginaganap upang tipunin ang lahat ng mga singers, musicians, dancers, variety artists, actors at mga modelo mula sa 65 bansa.