Nakuha ng mga Pinoy soft tennis players ang kauna-unahang podium finish ng Pilipinas sa 2023 Nonghyup Bank Korea Cup.
Naiuwi nga ni Joseph Arcilla ang bronze medal sa men’s single at bronze din ang naiuwi ng duo na sina Bien Zoleta at Deo Talatayod sa mixed doubles category. Tinalo ng tandem nina Bien at Deo ang mga koponan ng Korea, India at Cambodia bago ito nilaglag ng bansang Japan at nakuha ang ikatlong pwesto.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa SEA Games gold medalist na si Zoleta, sinabi nito na malaking tulong ang katatapos na tagumpay sa South Korea sa kanilang gagawing laban sa Asian Games na gaganapin sa China sa Oktubre ng kasalukuyang taon. Inamin din nito na maliban sa makapag-uwi ng medalya sa Asian Games, gusto nito na mas marami pang mga kababayan ang pumasok sa naturang sport. Umaasa din ito na sana ay mapabilang ang soft tennis sa Olympics.
“Siyempre napakasaya ko, very grateful, very happy and proud. Kasi nakuha ko ang gusto kong mangyari lalo na sa SEA Games, nanalo ako ng dalawang gold, tapos ngayong Korea Cup, iyong goal ko na maka-podium finish, atleast nakakuha ako ng bronze sa category na mixed doubles. Every achievement namin sa tournament namin, iyon ang magde-define sa future ng soft tennis, sa association namin. Every medal matters, kasi kung ano ang result ng tournament na ito, iyon ang tutulong sa next tournament namin.”
Si Zoleta ay double gold medalist din sa katatapos na 32nd Southeast Asian Games na ginanap sa Cambodia noong nakaraang buwan.
Ang 2023 Nonghyup Bank Korea Cup ay isang high-level tournament para sa soft tennis na nilahukan ng mga magagaling na manlalaro mula sa iba’t-ibang bansa sa Asya.