-- Advertisements --

Kabilang ang isang Pinoy sa mga nasugatan sa drone attack sa Abha airport sa Saudi Arabia na nangyari noong araw ng Huwebes, Pebrero 10

Ito ang kinumpirma ng embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ngayong araw subalit hindi na tinukoy pa ang pagkakakilanlan ng naturang Pinoy na ngayon ay nasa stable na ang kalagayan at ginagamot sa isang ospital na sinusuportahan naman ng kaniyang employer.

Ayon sa embahada, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Consulate General sa Jeddah sa apektadong Filipino national para magbigay ng tulong.

Base sa ulat, nasa 12 katao ang nasaktan matapos na maharang ang shrapnel mula sa explosive-laden drone sa pamamagitan ng air defense dahil pa rin sa nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng Saudi led coalition at ng Houti rebels group na nakabase sa Yemen.

Para sa mga Pinoy na nasa Saudi Arabia, inaabisuhan ang mga ito na manatiling mapagmatyag at i-monitor ang inilalabas na mga security advisories.

Maaaring tumawag sa emergency hotlines ng embahada ng Philippine Consulate General para sa emergency.