BAGUIO CITY – Nananatiling ang mga surfers ng Pilipinas ang umano’y early favorite na manalo sa nagpapatuloy na surfing competition ng 2019 South East Asian (SEA) Games sa San Juan, La Union.
Inihayag ito ni Tip Noventin, head coach ng surfing team ng Indonesia sa panayam ng Bombo Radyo, kung saan sang bansa aniya bilang host country ang may magandang pagkakataon na manalo ng gold medals sa surfing dahil sa homecourt advantage.
Aniya, ikinokonsidera nilang strongest opponent ang Pilipinas dahil alam ng mga surfers dito ang beach break, home break at point break, na isang malaking bentahe.
Dinagdag niya na malakas din ang Indonesia, Pilipinas at Thailand sa level of performance.
Sinabi pa nito na masaya at ipinagpapasalamat nila ang pagdaan ng Bagyong Tisoy dahil tumaas ang mga alon para sa mas magandang performance.
Kung maaalala, tig-apat na gold at silver medals habang walong bronze medals ang nakataya sa showdown ng mga surfers mula Myanmar, Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia at Pilipinas sa apat na kategorya.
Nagsimula na rin ang qualifying rounds ng surfing competition noong Lunes kung saan ito ang unang pagkakataon na naisama ang surfing sa mga laro ng SEA Games.
Samantala, pinuri ni coach Noventin ang mga organizers ng 2019 SEA Games sa pagsasabing walang naging problema ang kanilang team dahil naging maayos lahat ng kanilang pagkain, transportasyon, security escort at accomodation.