Labis ang pasasalamat ng Pinoy swimmer na si Ernie Gawilan matapos mapiling flag bearer ng bansa para sa gaganaping ASEAN Para Games dito sa bansa sa Mayo.
Ayon kay Gawilan, lubos ang kanyang pagkagalak sa natatanggap na biyaya, na siya raw magmo-motivate sa kanya upang lalong magpursigi.
Ang 28-anyos na si Gawilan, na tubong Davao City, ang kauna-unahang Pinoy na nakapasok sa 2020 Paralympics bunsod ng kanyang magandang performance noong 2018 Asian Para Games sa Indonesia.
Sa naturang kompetisyon, humakot si Gawilan ng tatlong gold medals sa 400-meter freestyle (S7 class), 100-meter backstroke (S7 class) at 200-meter individual medley (SM7 class).
Sinabi naman ni Philippine Paralympic Committee president Michael Barredo, karapat-dapat lamang na iginawad kay Gawilan ang pagiging flag bearer ng bansa.
Matatandaang dalawang beses na na-postpone ang Para Games at inusog na ito sa Mayo 26 hanggang Hunyo 5 kung saan gaganapin ang karamihan sa mga sports at events sa Metro Manila.